Monday, February 2, 2009

MGA KAPATID NATING KATUTUBO







Habang ako'y nakasakay sa isang bus papuntang Maynila galing sa Pulong Buhangin,Sta.Maria,Bulacan, bigla na lamang tumigil sa pagmamaneho ang driver at ang mga pasahero ay nagdungawan sa bintana. Akala ko'y isang aksidente ang nangyari kaya't ako man ay nakiusyoso. Iba't-iba ang reakyon ng mga tao: Isang bata ang sumigaw,"Mommy,Mommy, Alien o!." Tawa naman ng tawa ang karamihan. Winika naman ng isang babaeng may hepatitis(napakaraming alahas na ginto sa katawan),"di na nahiya nagpapakita pa ng mga puwit na maiitim,kadiri." May mga pasaherong kumuha ng mga barya at sa halip na ibigay nang maayos ay inihahagis pa ito. May isa ngang namamalimos na muntik nang masagasahan ng humaharorot na trak ng semento dahil nakikipagunahan kunin ang itinapong mga barya.



Ang sentro ng pangungutya, tawanan, at panlalait ay ang mga kapatid nating katutubong Aeta. Malapit na naman kasi ang kapaskuhan kaya dito sa Sta.Maria, Bulacan dumadayo ang ibang aeta para mamalimos. Sa pagkakaalam ko, ang pamamalimos ay taliwas sa kultura ng mga katutubo.Isa itong kahabag-habag at desperadong gawain o kalagayan at sila mismo ay di mawari ba't nagawa din nila.



Nag-ugat ang lahat ng pagbabago ng pamumuhay ng mga katutubo nanag pumutok ang Bundok ng Pinatubo noong Hunyo 1991. Ang bundok na ito ay aktibong bulkan sa pulo ng Luzon, sa isang interseksyon ng mga hangganan ng mga lalawigan ng Zambales, Tarlac at Pampanga kung saan naninirahan ang mga kapatid nating mga katutubo.



At dahil nagkagulo na ang kanilang pamayanan at wala na silang mapagkukunan ng ikabubuhay napilitan silang manirahan sa kapatagan-sa mga "evacuation centers" na itinayo at inilaan para sa lahat nasalanta katutubo man o tagapatag.Dahil dito nasana'y na sila sa mga "dole-outs" na ibinibigay sa kanila. Maraming naging epekto nito sa kanila: natuto na lamang silang maghintay ng grasya o palaasa, dahil sa panlilibak sa kanila di na nila isinuot ang sariling katutubong kasuotan;bagkus, nag t-shirt na din at nagpantalon,naranasan na din nila ang magbisyo-uminom ng alak, magsugal at manigarilyo.



Samantala maging ang ibang mga katutubong kabataan naman ay itinatakwil na ang nakaugalian na nilang mga awitin at sayaw.



Noong isang taon pagkatapos ng pasko ay pinasyalan ko ang isang pamayanan ng mga Aeta sa San Juliana,Capas,Tarlac at nakadaupang palad ko ang mga katutubong Aetang naninirahan dito.Lumawak ang aking pang-unawa at marami akong natuklasan sa kanilang kasaysayan at karanasan sa buhay. Sa halip na pagtawanan dapat sila ipagmalaki dahil sila ang tunay na Pilipino na patuloy na nagsasabuhay ng ating katutubong kultura at tradisyon.



Malapit sa puso ni Hesus ang mga katutubo.Pinaaalahanan tayo sa Ebanghelyo niSan Mateo 25:31-46,"KUNG ANO ANG GINAWA NYO SA PINAKAMALIIT KONG KAPATID,ITO AY GINAWA NYO SA AKIN."

Sunday, February 1, 2009

ANG LIBRO NI RIZAL AT ANG LUNSOD NG DAPITAN SA ZAMBOANGA DEL NORTE
















Saan kaya ang Dapitan? Katatapos lamang naming pag-aralan ang buhay ng ating Pambansang bayaning si Doktor Jose Rizal. Palaisipan sa akin habang ako'y pauwi ng bahay namin sa Barangay Agta-isang barangay sa Polillo,Quezon. Nakakalungkot sigurong mawalay ka sa iyong mga mahal sa buhay pero tiniis niya ito dahil sa pagmamahal niya sa ating Inang Bayan.Sa edad na walong taong gulang pa lamang ay naisulat na niya ang isang tulangmay pamagat na," Sa aking mga kababata". Tumutukoy ang tulang ito sa pagmamahal sa bayan,Kahit bata pa lamang siya ay kinakitaan na siya ng pagiging makabayan.Mapalad si Rizal dahil malaki ang impluwensiya sa kanya ng kanyang mga magulang lalo na ang kanyang ina na siTeodora. Kaibang-kaiba si Doktor Jose Rizal sa mga kabataan ngayon na maliit pa lamang ay nakasanayan na ang pagsisinungaling.Di naman natin masisisi dahil sa halip na magpakita ng mabuting halimbawa ay ang kabaligtaran ang pinakikita ng mga matatanda sa mga anak nila.May kasabihan nga:"ang ginagawa ng matanda sa paningin ng bata maski mali ay nagiging tama.". Alam ni Rizal ang buong Bibliya at nabasa niya ang sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ni San Juan:" Wag kayong matatakot magsalita ng katotohanan dahil ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo(Juan 8:32)." Walang takot na ibinunyag ni Rizal ang makahayop at mapang abusong pamamalakad ng mga Kastila maging ang mga Prayle.





Narating ko na ang Lungsod ng Dapitan.Ito pala ay isang ikalawang lungsod sa lalawigan ng Zamboanga Del Norte.Pinagmamalaki ng mga taga roon ang lugar na ito dahil dito pinatapon ng mga kastila ang Pambansang bayaning si Doktor Jose Rizal . Habang nandito siya ay nagpatayo siya ng isang paaralang pambata at isang pagamutan,Bukod dito, nagsagawa rin siya ng isang pambayang sistema ng padaloy-tubig.





Habang pinagninilayan ko ang lugar at ang mga mabubuting ginawa niya ay nasambit ko sa aking sarili,"Nawa'y matularan ka namin,Jose."

Hiwaga ng Eroplano noong aking Kamus-musan


Nakakatuwang balikan ang ating kamusmusan. Ang hindi ko malilimutan ay noong Grade three pa kmi at naglalaro sa dalampasigan ng isla ng Polillo,Quezon. May dumaang isang eroplano at napagkasunduan naming habulin ang eroplano. Hingal kabayo kami ng tumigil. Isang hiwaga sa aming lahat ang isang eroplano at pinangarap naming hari nawa isang araw ay magkaroon ng pagkakataong makasakay ng eroplano bagama't mahirap dahil sa aming kahirapan sa buhay.Ito marahil ang nag-udyok sa akin na magsikap para abutin ang pangarap sa buhay. Ilang taon din ang lumipas at muli akong bumalik sa Isla ng Polillo. Katulad namin noon may mga bata rin akong natanawan na pilit din humahabol sa eroplano.

Para sa akin na marami nang beses na nakasakay sa eroplano, wala na ang misteryong bumabalot sa hiwaga nito. Kaya't nang tanungin nila ako sinabi ko na ang eroplano ay isang uri ng sasakyang panghimpapawid o isang sasakyang lumilipad sa himpapawid at may pakpak ang lahat ng eroplano.

Si John Stringfellow ang lumikha ng isang eroplanong walang tao, na pinapaandar ng singaw na 9 na libra ang timbang.Nakalilipad ito ng sa pamamagitan ng sarili lamang na hindi kinakailanagang ihulog mula sa himpapawid.Bago ito, mayroon nang mga glyder(palutang o patangay), ngunit kinakailangang itulak ang mga ito sa isang gusali o burol upang mapalipad.

Ang unang pagpapalipadng isang tao ng eroplanong pinapagana ng motor ay noong 1903 sa Kitty Hawk, Estados Unidos. Isinagawa ito ni Orville Wright.

Ang Brasilenyong si Alberto Santos Dumont ang umimbento ng unang eroplanong may makina, nakokontrol at napapanatili ang kapangyarihan ng pagkontro, noong 1906 sa Paris,Pransiya.

Pagkatapos sabay-sabay naming tiningnan ang papalayong eroplano na napakataas ang lipad. Isang bata ang nagwika,"sana makasakay din kaming katulad mo Kuya sa eroplano" Ngumiti ako at nagwika, "hindi sagabal ang kahirapan sa tagumpay ng buhay.Basta may tiyag,may nilaga.

TALENTO SA PAG-AWIT


Shalom (Kapayapaan) po sa inyong lahat!
Sinabi ni San Pablo sa kanyang unang sulat sa mga taga Corinto: "Iba't- iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito, Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran.Iba't iba ang ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat ng taong gumagawa ng mga iyon. Ang bawat isa'y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu,para sa ikabubuti ng lahat.(1 Corinto 12:4-7)."
Parang kaylan lang po ay kasama-sama ko pa si Lola Gara (Engracia Azurel Tena).Isa siya sa mga inspirasyon ko at naging gabay sa pagtahak sa landas ng buhay.Tuwing bakasyon lalo na pag "summer vacation" ay nauwi ako sa Polillo,Quezon para magrelaks- maglangoy sa dagat, mamingwit ng isda, magpapakasawa sa buko,paminsan-minsan titikim ng lambanog,manghaharana, makikipag bonding sa mga kaibigan at kamag-anak... Ang Bayan ng Polillo ay isang ika-4 na klaseng bayan sa lalawigan ng Quezon. Mula sa Legarda,Manila sasakay ka ng Bus papuntang Real,Quezon (3 oras) at sasakay ka ng Lantsa papunta sa Isla ng Polillo(3 oras uli).Sa senso noong 2000, ito ay may populasyon na 24,105 katao SA 5,102 na kabahayaan.Ang bayan ng Polillo ay nahahati sa 20 mga barangay at ang isa rito ay ang Barangay Sabang-ang barangay namin. Sangayon kay Padre Morga,sa isa sa mga naunang mga paring kastila na nadistino dito, ang salitang Polillo ay nagmula sa salitang intsik na "Pulilu", na ang ibig sabihin ay magandang isla at masaganang pagkain. Dahilan sa problema sa linguwahe, pinalitan ito ni Padre Domingo ng Polillo.
Napakasaya tuwing Mayo.Sunod-sunod ang mga Piyestahan,kabi-kabila ang kainan at sayawan..Ang lola ko ang unang nanghikayat sa akin na kumanta.Palagi nya akong isinasali sa mga amateur singing contests.Sa dami ng nasalihan ko wala yata akong alam na nanalo ako.Sa tuwing iaanunsiyo ang mga nanalo,palaging sinasabi sa akin ni Lola na...maski ano ang mangyari ikaw pa rin ang pinakamagaling para sa akin. Di ko rin malilimutan ang payo niya na gamitin sa kabutihan ang mga biyaya at talento na bigay ng Panginoon sa atin at palaging humingi ng lakas sa mga pagsubok at problema sa buhay.Winika ni Hesus sa Ebanghelyo ni Juan 15:5: "Ako ang puno ng ubas kayo ang mga sanga.Ang nananatili sa akin at ako sa kanya ay mamumunga nang sagana;sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin."Dahil sa mga pagmamalasakit at magagagandang payo niya nagkaroon ako ng tiwala sa aking sarili.
Dahil sa kahirapan ng buhay,nagtrabaho ako bilang kargador at taga kalboro ng manga sa isang pabrika ng prutas sa Quiapo, Manila. Pagkatapos na isang taoon sinubukan kong maging isang "folk singer".Nagamit ko ang talentong bigay sa akin ng Diyos para makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.Mahirap maging working student-puyat ako palagi dahil kumakanta ako sa gabi, kailangang magtipid sa pera at doble ingat dahil madaling araw na ako umuuwi (ala una ng umaga) at maraming karanasang nakaka engkwentro ka ng mga snatcher at holdaper.
Wala na si Lola Gara pero buhay pa rin ang kanyang mga alaala.Patuloy akong aawit para magbigay ng inspirasyon, aral,payo sa mga taong aking makakahalubilo.