Monday, February 2, 2009

MGA KAPATID NATING KATUTUBO







Habang ako'y nakasakay sa isang bus papuntang Maynila galing sa Pulong Buhangin,Sta.Maria,Bulacan, bigla na lamang tumigil sa pagmamaneho ang driver at ang mga pasahero ay nagdungawan sa bintana. Akala ko'y isang aksidente ang nangyari kaya't ako man ay nakiusyoso. Iba't-iba ang reakyon ng mga tao: Isang bata ang sumigaw,"Mommy,Mommy, Alien o!." Tawa naman ng tawa ang karamihan. Winika naman ng isang babaeng may hepatitis(napakaraming alahas na ginto sa katawan),"di na nahiya nagpapakita pa ng mga puwit na maiitim,kadiri." May mga pasaherong kumuha ng mga barya at sa halip na ibigay nang maayos ay inihahagis pa ito. May isa ngang namamalimos na muntik nang masagasahan ng humaharorot na trak ng semento dahil nakikipagunahan kunin ang itinapong mga barya.



Ang sentro ng pangungutya, tawanan, at panlalait ay ang mga kapatid nating katutubong Aeta. Malapit na naman kasi ang kapaskuhan kaya dito sa Sta.Maria, Bulacan dumadayo ang ibang aeta para mamalimos. Sa pagkakaalam ko, ang pamamalimos ay taliwas sa kultura ng mga katutubo.Isa itong kahabag-habag at desperadong gawain o kalagayan at sila mismo ay di mawari ba't nagawa din nila.



Nag-ugat ang lahat ng pagbabago ng pamumuhay ng mga katutubo nanag pumutok ang Bundok ng Pinatubo noong Hunyo 1991. Ang bundok na ito ay aktibong bulkan sa pulo ng Luzon, sa isang interseksyon ng mga hangganan ng mga lalawigan ng Zambales, Tarlac at Pampanga kung saan naninirahan ang mga kapatid nating mga katutubo.



At dahil nagkagulo na ang kanilang pamayanan at wala na silang mapagkukunan ng ikabubuhay napilitan silang manirahan sa kapatagan-sa mga "evacuation centers" na itinayo at inilaan para sa lahat nasalanta katutubo man o tagapatag.Dahil dito nasana'y na sila sa mga "dole-outs" na ibinibigay sa kanila. Maraming naging epekto nito sa kanila: natuto na lamang silang maghintay ng grasya o palaasa, dahil sa panlilibak sa kanila di na nila isinuot ang sariling katutubong kasuotan;bagkus, nag t-shirt na din at nagpantalon,naranasan na din nila ang magbisyo-uminom ng alak, magsugal at manigarilyo.



Samantala maging ang ibang mga katutubong kabataan naman ay itinatakwil na ang nakaugalian na nilang mga awitin at sayaw.



Noong isang taon pagkatapos ng pasko ay pinasyalan ko ang isang pamayanan ng mga Aeta sa San Juliana,Capas,Tarlac at nakadaupang palad ko ang mga katutubong Aetang naninirahan dito.Lumawak ang aking pang-unawa at marami akong natuklasan sa kanilang kasaysayan at karanasan sa buhay. Sa halip na pagtawanan dapat sila ipagmalaki dahil sila ang tunay na Pilipino na patuloy na nagsasabuhay ng ating katutubong kultura at tradisyon.



Malapit sa puso ni Hesus ang mga katutubo.Pinaaalahanan tayo sa Ebanghelyo niSan Mateo 25:31-46,"KUNG ANO ANG GINAWA NYO SA PINAKAMALIIT KONG KAPATID,ITO AY GINAWA NYO SA AKIN."

No comments:

Post a Comment